PokéMONGO

Untitled

Fact: May 721 na uri ng Pokemon! Ang dami!

(Makikiusong post tungkol sa Pokemon Go)

Isa ako sa mga batang nahumaling sa Pokemon noon, hindi yung nakikiuso lang ah. Mga batang gumigising ng maaga para makapanood ng mga anime sa GMA, kasama na nga yang Pokemon ☺

Imbes na hello kitty o barbie ang laruan ko noon, mga kotse-kotsehan at pokemon ang laruan ko! Yes! Kasi ako lang ang nag-iisang batang babae noon sa pamilya, tapos puro lalaki na yung mga kalaro ko. E di ayun. Ano nga tawag sa ganung laruan? Di ba kapag superman = action figure. Paano kapag sa pokemon? Anong tawag dun? Basta yon, mga nasa dalawampung piraso ng pokemon ang laruan namin noon. Walong piraso doon ay pikachu, hahaha.

Iba ang istilo ng paglalaro namin noon, parang pokemon-serye. Hindi yung napapanood natin sa tv na inilalaban sila, no. Ginawa namin silang tao tapos may mga specific roles sila sa kwento ah! May pangalan rin kami sa kanila na pang-tao, may apelyido, at may ka-love team din! So parang bahay-bahayan ang paglalaro namin noon, ang galing nga eh nakakabuo na kami ng plot/kwento sa ganung edad, in fairness! Pero nung tumanda na ako hindi na ako marunong sa scriptwriting, kaloka.

Di ko na gaanong tanda yung mga pangalan nila, pero alam ko eto yon eh.
– 8 pikachu: Angel, Angela, Desiree, Desireen, Elizabeth, Maria, Marie, Andrea ata?
– Charmander – Lea
– Marill – Yazmien
– Bulbasaur – Jennylyn
– Eevee – Cathy
– Lapras – ?
– Elekid – Bert
– Snorlax – Rainier
– Haunter – Mark
– 2 mini charmander – Lino, Lina
– Squirtle – Tina
– Poliwhirl – Elmo

So bale ganito, apat na pamilya sila:
1. Lapras (Tatay), Charmander (Nanay), 2 mini Charmander (Anak)
2. Elekid (T), Marill (N), Poliwhirl (A), tsaka si Hetty – Jollibee (A)
3. Snorlax (T), Bulbasaur (N), Squirtle (A)
4. Haunter (T), Eevee (N), Twirlie – Jollibee (A)

Ang alam ko puro lalaki lang daw yung mga pokemon, pero ginawa naming babae yung iba para may partner partner haha!
Bukod sa pokemon, marami pa kaming mga laruan na maliliit, tulad nung squad ni Jollibee at Ronald McDonald, kaya kasama rin sila sa kwento.
Kung mapapansin nyo, ang ilan sa pokemon namin ay ipinangalan sa final four ng Starstruck batch 1, kasikatan nila nung mga panahong yan, hahahahaha!

Nung natapos na ang pokemon-serye namin at wala na kaming maisip na idagdag sa kwento, nagpalit kami ng format, naging parody ng Encantadia! (Na kasikatan din nung mga panahong yan) Heto ang mga characters:
– Pirena – Charmander ✔
– Amihan – Marill ❌ (Water type yan!)
– Alena – Bulbasaur ❌ (Grass type yan!)
– Danaya – Eevee ✔ pwede na
Obviously inassign namin sila base sa kulay. Hahahaha. Tapos kung sino yung kapartner nila sa una, sila pa rin yung kapartner nila ngayon, walang magbabago!

So ang madalas na nangyayari sa kwento eh laban laban syempre, tapos may powers, tapos yung mga kadalasang nakikita sa teleserye, mga usap usap, ganern.

Halos yun palagi ang nilalaro namin noong bata ako, kasi bawal kami maglaro sa labas eh. Tsaka pera-perahan (play money), kotse-kotsehan, lutu-lutuan, mga beyblade, text, pogs! Na pokemon din ang mga characters. Ang pinakamalakas ko na pog noon si Wabuffet, sa text naman si Blastoise. Sila lagi ‘pato’ ko.

Tumigil yata ako maglaro nung pinapagamit na kami ng computer, high school na ako nun. Wala eh, mas nag-eenjoy na ako maglaro ng Counter Strike kesa mag role play ng pokemon. Kahapon, tinanong ko uli si Anye kung nasaan na yung mga laruan namin noon. After all this time, ngayon ko lang siya uli hinanap. Kaso sabi niya, nandun na sa mga nakababata naming pinsan. Nalungkot ako, di ko alam wala na pala sa amin, akala ko nandun lang sa taas nakatago. 😦

Balik tayo sa kasalukuyan:
Nung lumabas yung apk ng pokemon go sa internet, nag-install ako. Sinubukan kong maglaro, kaso tinanggal ko rin after 2 days. Kasi hindi umaalis sa pwesto yung character ko eh. Naglalakad siya, pero hindi lumalayo, nandun pa rin siya. Eh ako naikot ko na yung buong bahay, hindi pa rin gumagalaw! Tsaka hindi naman ako nakakapag mobile data, kaya hindi ko rin yun maeenjoy na malaro sa labas. E di wag na nga lang.

Nung isang araw na pumunta kami ng SM, tapos may event regarding Pokemon Go, tumutugtog yung OST, malakas, nasa isip ko nun F na F siguro ng mga tao rito yung pagiging trainer, dahil sa kanta. Ang daming nangha-hunting nung mga oras na yun. Semi-inggit me.

Favorite Pokemon:

Untitled

-bukod sa love na love ko talaga ang pusa, ang dami niya kasing pwedeng maging evolve, tapos ang cute lahat haha! Pangarap ko talaga na sana nag-eexist si Eevee sa tunay na buhay eh ☺

– And, that’s the end. –

Untitled

Ako yung,

… ako yung una at huling piraso ng loaf bread,

… ako yung balat ng mansanas,

… ako yung unang patak ng Empi Light,

… ako yung pinaka-crust ng egg pie,

… ako yung natutong na kanin,

… ako yung libreng sabaw sa carinderia,

… ako yung sibuyas sa ibabaw ng bistek,

… ako yung bell pepper at raisin sa menudo,

… ako yung labanos at okra sa sinigang.

– Sinasayang mo lang.

Biyahe ni Shai!

Ano? Sama ka sa biyahe ko? (Drew Arellano ang peg)

Kung ang 2015 ko ay taon ng pag-i-stressout, ang 2016 ko naman ay taon ng paglalagalag! Wala lang share ko lang 😛

Halos buwan buwan may ganap na ako sa Maynila. Dati once a year lang ako napapadpad doon, pero ngayon heto na Dora The Explorer na rin ako! (salamat kay Angel na nagmotivate sa akin para mamasyal sa kung saan-saan)

Mayo: Dahil sa OJT ko ay nakakapag-mall tour ako. Literally hahahaha! Di ba nakwento ko na noon na pagkatapos ko lumabas ng opisina, dumidiretso gala muna ako sa mall bago umuwi. So ayun, sa kakagala ko araw-araw, napuntahan ko na lahat ng malls sa Las Piñas, Alabang, sa Molino, atbp. Nasa dalawampu lahat:)

Hunyo: Puro malls pa rin ang galaan ko. Pero this time may mga kasama na ako hahaha di na ako alone:)
– Malls sa Ortigas (Galleria, Shangrila, etc.)
– MOA (nung ToyCon tsaka MTV Music Evo)
– Baclaran/Makati/Taguig (hanggang Market Market pa lang)
– Tagaytay (People’s Park)
– SM Trece tsaka Robinsons Gentri

Hulyo: May klase na kaya di na ako makakagala 😦 pero napagkasunduan namin ni Angel na mamasyal sa Intramuros (first time ko pa lang dito). Pa-birthday ko na rin sa sarili ko hehe.

Agosto: Actually nung isang araw lang, gumora kami ng mga kaklase ko sa Ninoy Aquino Parks and Wildlife (first time ko rin) para sa project:)

Setyembre – Abangan. Hahahaha.

Gusto ko pa sana magkwento ng mga ganap ko nung gumagala ako, kaso nakakatamad!:)

Alam mo ba, buong buhay ko nandito lang ako nakakapasyal sa mga malalapit na lugar, hindi ako nakakarating sa malalayo kasi: -pinagbabawalan ako. – sumusuka ako sa biyahe (hahahahaha). – wala akong pera.
Ganon pa rin naman ngayon, pero nakakagawa na ako ng paraan para makapaglagalag! Masaya na ako na nakakapunta na ako ng maynila kahit papaano.

Level 1 pa lang ako sa pagta-travel. Sana pagka-graduate ko at pag may trabaho na ako eh mas malalayo na yung mapuntahan ko (mga Europe, ganern). Posible lang yun kapag may business trip ako doon. (echosera)

Pero naisip ko lang, kapag yung mga kaklase ko gumagala/nag-a-outing, hindi ako sumasama. Never pa akong nakasama sa mga ganap nila (Alabang, UP, Burot Beach, etc.) Whyyy

Tulad ngayon may mga drawing, este plano nanamang nagaganap. Yung isa sa Calamba with Angel, baka sa susunod na buwan. Yung isa naman next year sa Ilocos, malabo akong makasama. May pamahiin dito (ewan ko ba kung totoo to) na lapitin ng disgrasya yung mga graduating students kaya bawal maglakwatsa. Ayun. Sadlyf. May susunod pa namang pagkakataon upang ako ay makarating ng Ilocos eh.

May gusto sana akong taong kasama pag gagala, kaso nahihiya akong lapitan siya kasi baka tanggihan ako (ayoko pa naman ng nirereject ako), tapos ang awkward pala kapag kami lang dalawa ang magkasama na gagala, hindi nga pala kami. HAHAHAHAHA joke lang po.

Ispageting Pababa at Pataas

Food with memories post #3! Aye!

Ilang beses ko nang nababanggit dito na gustong-gusto kong kumain ng Spaghetti. Ma-extinct na lahat ng pagkain sa Earth, wag lang yun, haha.

Nung bata ako, bihira lang ako makakain nun kasi. Tuwing may selebrasyon lang (kaarawan, pasko, undas – joke lang haha.) Kaya kapag may inilulutong Spaghetti dito sa bahay, ang saya saya ko. Minsan lang din ako inilalabas ng bahay at kumakain sa Jollibee o Mcdo kaya minsan lang talaga ako makakain nun. Kapag Spaghetti sa bahay, nakakatatlong balik ako. Kapag Spaghetti naman sa labas, dalawang order dapat hehehe. Tapos request ko lagi tuwing kaarawan ko, dapat Spaghetti ang handa. Yun lang tsaka tubig maligaya na ako. Pero nung tumanda na ako, puro pansit na ang inihahanda, ang tanda ko na nga kasi. #sadlyf

Ngayong college, masaya na ako kasi nakakakain na ako atleast dalawang beses kada buwan hahaha (kasi can afford ko na bumili ng tigbebenteng Spaghetti na pang almusal, kaso di siya masarap kasi mas marami pa yung ketchup sa mismong tomato sauce. Huhu. Yung instant noodles na Spaghetti naman ang konti ng laman. Pero aprub naman yung lasa.

Tapos kapag magpapagawa noon si crush ng assignment o project sa akin, tapos umayaw ako, bibili yun ng Spaghetti para lang mapapayag ako! Pak Ganern! Hahahahaah!

Eto nga pala ang top 5 most significant Spaghetti in my life :):)

5. Spaghetti ko – kahit di ako masarap magluto, may lasa pa rin naman kahit papaano yung luto ko hahaha

 photo 20160816_213150_zpszfyww2ym.jpg

4. Spaghetti ng ABCOMM – kapag nagpupunta kami kina kuya henry, madalas yun ang iniluluto (aside from Lucky Me kapag taghirap kami). Ayun masarap naman, plus puno ng memories yun. Haha.

3. Spaghetti ni biyenan (in the future!) – hahahahaha kasi one time, ay di pala, ilang beses na eh nagbabaon noon si JD ng Spaghetti, natira daw sa handa hahaha. Sabi niya luto niya raw yon, pero hindi ako naniniwala, hindi naman yun marunong magluto eh! Luto yun ng ermat niya! Ang maganda rito kasi kahit tuyo yung Spaghetti (yung di gaano masarsa), malasang malasa pa rin siya.

2. Spaghetti by Ate Vky/Kuya – ito yung iniluluto sa bahay. Pinakamasarap sa lahat ng lutong-bahay Spaghetti I promise you guys! Ang sikreto: Aside from cooking oil, nilalagyan din siya ng butter. At bukod pa diyan, hindi kami naglalagay ng ketchup sa Spaghetti, as in purong Spaghetti Sauce lang lahat. Kaya ma-creamy siya yahhh (speaking in conyo) sana pwede ko maipatikim to dito hahahaha.

 photo 20160719_180906_zpszn6fbanc.jpg

1. Jolly Spaghetti – syempre ang walang kamatayang Spaghetti na bumihag sa puso ng milyun-milyong mga bata sa buong Pilipinas. Di ko na kailangang ipaliwanag pa kung bakit. Basta ang sarap sarap non!!!

 photo 20151111_135406_zpsg4dcofhn.jpg

Ang ultimate goal ko syempre ay makalamon ng authentic Italian spaghetti! Maasim daw yon? Ayun sana makakain din ako ng ganun, plus makakain din ng iba’t-ibang klase ng Spaghetti. Sana:)

Ang tagal tagal tagal!

(Hanash post #80?)

Labinlimang minuto lang ang ginugugol ko na oras sa pagbiyahe papasok o pauwi. Subalit, kanina, inabot ako ng halos dalawang oras. DALAWANG ORAS.

Galing akong Area E kanina nung pauwi na sana ako. Pagkaliko pa lang ng jeep pa-Guevarra St. ay na-stuck na kaagad sa traffic. Grabe. Ibig sabihin buong kahabaan ng Guevarra ay traffic! Ilang minuto rin ang nakalipas bago kami nakarating sa kabilang dulo ng kalsada. Pero mahaba na yung pila sa sakayan ng jeep pa-Imus! Umabot na yung dulo doon sa ‘Kalabouge Studio’. Eh di sabi ko doon na lang ako bababa sa tricycle terminal. Kaso yun nga, mas mahaba yung pilahan doon sa traysikelan! E di naglakad ulit ako pabalik dun sa sakayan ng jeep, kasi ganun din naman eh. Mas mura lang pag sa jeep,tsaka mas mabilis doon na makasakay. Kaso nung pagbalik ko naman, mas lalong humaba yung pila! Umabot na doon sa tindahan ng Ice Water. Grabe. Siguro kung may number queue para makasakay sa jeep, pang number 100+ ako! (OA naman) Ganun na karami ang mga pasahero nung panahon na yun. Ang tagal tagal tagal bago ako nakasakay!

Hindi naman ito yung unang pagkakataon na nakaranas ako ng ganung katinding hirap bago makauwi. Naisip ko, lakarin ko na lang kaya pauwi sa amin? Baka mas maaga pa ako nakauwi sa bahay hahahaahha!
Actually nung high school ako, lam mo ba, wala ring jeep na masasakyan pauwi! Minsan naghihintay ako ng halos isang oras bago makasakay, pero madalas ay nilalakad na lang namin pauwi hahahahahaha! Di naman lahat, pero mula Bucandala kanto hanggang sa Malagasang 2nd lang naman. Gabi-gabi. Kahit ganun ay hindi ako nakakaramdam ng pagod, kasi si Dela Torre naman yung kasama at kasabay ko palagi eh :)))))) yung nilalakad namin mula school hanggang sa tapat ng subdivision nila :))))))
Kaso iba na ngayon. Ayoko nang maglakad ng malayo, kung hindi naman siya yung kasama ko :)))))) (bakit ba palagi ko na lang siya inaalala).

Sa loob ng dalawang oras na pagpila ay maraming contemplation na ang nagaganap. Hahahahaha. Naubos ko na yung mga kanta sa hugot playlist, hindi pa rin umuusad ang pila! Umulan na ng matindi, wala pa ring galawan sa pila!

Naisip ko, paano kaya yung mga galing pa ng Maynila? Nagtatrabaho? Ganito rin ang pinagdadaanan nila.
Paano kaya yung mga taga-San Jose at Sabang na papunta ng Imus? Paano sila makakasakay?

Alas-singko ako bumaba ng Bayan. Pasado alas-siyete na ako nakasakay. Di pa makaaalis ng bayan yung jeep, kasi nga traffic di ba. Inabot din ng ilang minuto pa bago kami nakausad. Wow.

Ano ba ang dahilan ng kalbaryong ito?
Di ba nga may ginagawang keme road project ang city government (kahit maayos naman ang kalsada) so yung kalsada pa-Malagasang ay winawasak na, kaya one way na lang ang daanan ngayon. Dahil doon ay matagal bago makarating ng Dasma Bayan yung mga jeep at tricycle, kaya walang masakyan. Kaya may pila. Bow.

So eto na nakauwi na ako, akala ko okay na. Hindi pala. Umpisa lang yan ng kalbaryong araw-araw ko siguro pagdadaanan. Hangga’t hindi natatapos ang pagsasaayos ng kalsada sa Dasma, hindi rin mawawala ang mahabang pila para lamang makasakay pauwi. Sadlyf.

Pinag-iisipan ko kung bukas ay itutuloy ko nang maglakad na lang pauwi.

Lalong lalala yung almoranas ko nito hahahahahahahaahah stahp.

(Akala ko kay JD lang ako makakaranas na paghintayin ng matagal, pati pala sa pagsakay pauwi.)

National & Economic Issues + Personal Issues

It hurts. It really hurts.

WARNING: This post contains pure negativity. Read at your own risk. Charot lang!

Dapat national and economical lang to eh. Kaso napagalitan nanaman ako. E di i-rant ko na rin!

#1- On commuting. Dahil sinuspendido ni Kuya Gov ang klase kaninang tanghali, ito ang magandang pagkakataon upang umuwi ako ng bahay ng maaga pa, kaso pagdating sa terminal, ang haba ng pila! Malamang sabay-sabay kasi nagsi-uwian lahat ng estudyante ng mga oras na yun, mapa-pang umaga o panghapon. Siguro mga dalawampung minuto rin akong nakapila bago ako nakasakay ng jeep. Tapos may sumabit pa na dalawang lalaki (di naman sa sumabit, nakaupo sila dun sa estribo ba yun), kaso nagyoyosi pa sila nung moment na yun! E di syempre nung pag-ihip ng hangin, imbes na palabas, papunta sa amin sa loob yung usok! Hmm #DamayDamay na pag nagkasakit sa baga hahahaha. At ang tagal pa bago ako nakarating sa amin, kasi yung sinisirang kalsada sa Dasma ay nandun na mismo sa daanan pa-Malagasang. Ang galing di ba. One way na lang tuloy papunta at pauwi galing Dasma. Nice one.

#2- On quizes and class suspensions. Napapansin ko lang talaga, parang nangangarag yung mga kaklase ko kapag malalaman nila na magkakaroon ng quiz kinabukasan. Ewan ko ha, yung reaction kasi nila intense eh, parang ang laki ng effect sa buhay. Kapag may surprise quiz, o kaya magpapaquiz na hindi pa nabibigyan ng handouts. Tapos ang tagal tagal pa magpareview bago magpa-quiz, mga kalahating oras siguro. Di naman sa nagmamayabang (pero ganun na rin yun), pero papasa at makakapagtapos pa rin naman kayo kahit bumagsak kayo sa quiz. Hahahaha! Sorry guys, naiinis lang ako kapag pinapatagal at ginagawang big deal yung quiz. Kulang na lang may pagkakaibigang magkakasira ng dahil sa quiz na yan eh. Pisti. (Okay alam ko pagkatapos nito, may mga kaklase akong mawawarla sa akin.) Ako kasi tinatamad talaga ako magreview, madalas naasa lang ako sa stock knowledge ko, at wala akong pake kung mataas man o mababa ang nakuha ko, basta ang importante naa-absorb ko yung thought ng mga lessons na itinuturo. Okay? Okay.
Sa class suspension naman ganun din, bat atat na atat kayo magpasuspend? Oo mahirap bumiyahe papunta at pauwing paaralan kapag umuulan, pero hindi naman nakamamatay yung paglusob mo sa ulan! Haha! Proud ako nakasurvive ako ng high school na hindi pa si Gov Pogi ang gobernador – nung mga panahon na kahit Signal#1 na at lumubog na ang buong Imus National High School sa baha eh may klase pa rin! Nagpapasuspend lang ang principal nun pag alas tres na ng hapon. Yes. Oo na masyado kasi tayo nasanay na o ayan umuulan na, dapat isuspend na ni Gov ang klase. Pero ako kasi nanghihinayang kaya sa araw na mawawalan ng pasok, tapos wala ka namang ‘tamang’ gagawin sa bahay, palagi na lang mali (Oops.) Tapos kapag exams na eh ngarag nanaman kasi may ibang lesson na hindi na-discuss kasi nga walang pasok. Tapos sa prof nyo pa isisisi na di siya nagbibigay ng bonus sa exam. Talaga ba. Pero naisip ko rin, kapag nasa ‘real world’ na kami, di na pala kami sakop ng mga #WalangPasok na yan. O di ba dapat nga masanay na tayo na maging waterproof, at heartacheproof din.

#3- Other national issues:
A. Pagpatay sa mga drug pushers –
Mahigit limandaan na. Halos nanlaban lahat. Tingin nyo ba maloloko nyo ako?? May hidden agenda itong mga opisyal na ito.

B. Pagpapalaya kay Former PGMA –
Disagree. Ang galing di ba nakalaya lang wala na yung keme sa leeg. Magaling. Magaling.

C. Pagpapalibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani –
Disagree. Forever disagree.
Pansin mo ba tutol ako sa lahat ng pinaggagagagawa ni Pres. Du30? Hahahaha

#4- Family Rants (/Personal Issues)

(Yan yung rant ni kuya – sa akin. I mean yan yung hinaing niya sa amin, chinat niya kay Ate Vky, tapos finorward niya naman sa akin)

Alam ko di mo to gaano mauunawaan, pero paki-intindi na lang. Alam ko rin na hindi maganda na nagpopost ng issue tungkol sa pamilya, pero kasi, wala akong ibang mapagbuhusan ng sama ng loob eh😦 and I’m writing too much personal rants since ’14. FYI. Di ko alam kung paano ko dedepensahan ang sarili ko kay kuya, kasi kahit naman anong sabihin ko, ako pa rin yung mali tsaka may kasalanan. Nahusgahan na ako eh, paano ko pa mapapatunayan sa kanila na I try my very best to be a good niece to them?

A. Issue about going home late –
Yah I know I know it’s my fault, hindi talaga ako nagtetext sa bahay kapag hindi ako makakauwi agad pagkatapos ng klase. Di na mababago sa akin yun, I swear. Dati naman nagtetext ako, kaso sasabihin tambay lang ako ng tambay, gala lang ng gala kaya ginagabi. Alam mo, kung kaya ko lang ipakita sa kanila yung mga ginagawa ko kaya ako ginagabi, nagawa ko na eh. Kaso hindi eh. Gustong gusto ko magpaalam ng overnight kapag may mga gagawin kaming importante, kaso nga hindi ko magawa dahil dito, yung ginagabi pa nga lang minamasama na eh, overnight pa kaya? Kaya lang naman ako nagpapagabi kasi, ayokong mapunta sa real world na mangmang, na walang alam sa field na aking mapupuntahan, kasi wala akong experience (ex. Production) dahil pagkatapos pumasok sa eskwela ay diretso uwi lang sa bahay. Oo may mga pagkakataon na tumatambay at gumagala ako, pero buong buhay ko yun lang ang tanging social life ko <\3 nung high school nga hinding-hindi ako nakakaalis ng bahay kapag walang pasok, kahit pa sa school yang gagawin mo o ano. Ngayon lang ako nakaranas na sumama-sama sa mga kaklase kapag may ganap, kaya yun nga kahit na hindi ko sila madalas kausapin, yung nafi-feel ko lang na kasama ko sila masayang-masaya na ako (weh). Hindi biro yung pinagdadaanan ko kapag nasa labas ako. Minsan naaalila ako (tanggap ko naman kasi bahagi na yun ng pagiging ABCOMM), minsan hindi na ako nakakakain kasi walang-wala na akong pera, minsan malayo ang nilalakad namin, minsan kahit nahihilo na ako eh di pa rin pwedeng magbackout sa gagawin. Tingin siguro nila puro ako gala, shopping, kain sa labas, friends/jowa. Hindi ganung uri ang aking pamumuhay. Hinding-hindi. Hindi ako nagbubulakbol. Hindi rin ako sumasama sa mga nagbubulakbol. Tsaka pala, hindi ako nagdadabog/nagsisimangot pag hindi ako napapayagan, pramis totoo. Ayoko rin kasi ng ganung asal, panget. Pag mga ganung eksena, tahimik lang ako, tapos minsan iiiyak ko na lang, o kaya magt-tweet. Hahahaha.

B. Issues on staying awake at midnight –
akala siguro ni kuya, kapag nasa kwarto na kami, nagcha-chat pa kami. Kaya daw lagi kaming puyat. Pero no, no. Kulang na kulang na nga ako sa tulog eh, uunahin ko pa ba yang chat na yan? Marami na ngang nagagalit sa akin kasi hindi ko sila narereplyan sa facebook, paano pa ako nakakapagchat niyan? Hindi naman sa lahat ng oras na hawak ko yung phone ko, puro chat ang ginagawa ko. At kapag nasa kwarto na ako, diretso tulog na ako. Di na ako nagcecellphone pa. Pero yun nga ang tingin sa akin ni kuya eh parang walang ibang inatupag buong araw kundi makipagchat na lang.


C. Issues on house cleaning –
oo madalas nakakalimutan kong gawin yung mga gawain dito sa bahay, pasensya na. Tuwing sabado at linggo na lang ako nakakapaglinis, kasi nga pag weekdays buong araw akong nasa paaralan. Ginagawa ko naman ang best ko para maging maayos dito sa bahay eh, pero bakit ang tingin sa akin ang tamad tamad ko pa rin? Alam mo ba kaya nga ako palaging nale-late pumasok kasi kailangan nalinisan muna dito bago makaalis. May mga bagay naman na hindi ko makokontrol, halimbawa pag umihi or dumumi yung aso. Ako yung nakatokang maglinis din dun, kaso nga di ba nasa paaralan ako, anong magagawa ko? Minsan nga pag-uwi ko naaabutan ko pa na may dumi eh. Dapat kung sino yung nandito sa bahay, siya na naglilinis nun eh. Ginagawa ko naman ang lahat ng paglilinis, pero bakit may mali pa rin?

D. Other issues –

Sabi pa ni kuya, lagay daw ako ng lagay ng paninda ko sa ref, eh magkano lang naman daw kinikita ko dyan, di naman daw ako nagbabayad ng kuryente. Eh para ilang oras lang naman nasa ref yung tinda ko, isang magdamag lang naman. Kaya sumasideline ako para kahit papaano madagdagan yung singkwenta pesos na allowance ko kada araw, kaso ako pa rin ang may mali😦 dahil dyan ay napagdesisyunan ko na itigil na lang yung pagbebenta sa school. Masyado nang masakit eh.

Tapos, parang ako pa yung nasisisi kung bakit nagka-bacteria si bibi at nagkasakit, di ko daw gaano binabantayan, tinitingnan ko lang daw yung bata kapag di ako nagcecellphone. Gusto ko sabihin na halos kalahati ng araw ko, na kay bibi na. Pag-uwi ko ng bahay ako na ang mag-aalaga, madalas hindi pa ako nakakatulog sa pagbantay sa kanya, tapos ako pa rin ang may mali? In the first place hindi naman ako yung magulang niyan, pero bakit ako ang nao-obliga? Marami pa ako dapat ireklamo kaso hinahayaan ko na lang, kasi di ba ako yung may mali rito?

Ang sama sama ng loob ko, kasi ginagawa ko naman ang lahat para maging best eh, kaso ang dating sa kanila ay worst. Di ko madepensahan ang sarili ko, kasi sila yung mas nakakatanda at sila ang nasa tama. Ako naman parang kahit anong gawin ko palagi na lang may mali. Kaya kahit anong push sa akin ng mga kaklase ko na maging confident ako sa mga bagay bagay, hindi ko magawa, nasa mindset ko na kasi na lahat ng gagawin ko, yung mali lang ang palagi nilang makikita. Pak ganern!

Tapos yung mga taong inaasahan kong dadamay sa akin, sila pa yung di agad makaunawa sa pinagdadaanan ko ngayon. “Di lang naman ikaw ang may problema sa Earth. Ako rin naman. Tsaka sana ikaw naman ang mag-adjust para sa akin pls, di yung ako nalang palagi”. Kaya wala talaga akong ibang masabihan eh.

Pasensya na ha baka nakakaumay na yung mga rant ko. Paulit-ulit nyo na lang ako binibigyan ng advice, pero heto pa rin ako nalulugmok. Nasa laylayan.

Pasensya na ulit, at salamat sa pagbabasa:)

It’s not about the anda, anda, anda!

– You never knew what I’ve been going through all this time.

Joke lang hahaha.

Abalang-abala ako sa mga raket ko ngayon kaya bihira na lang ako makapag-wordpress.

Bumalik na ulit ako sa dati kong gawain – ang ibugaw ang sarili. Sariling utak. Hahahahaha. Tumatanggap na ulit ako ng mga nagpapagawa ng assignment at projects mula sa mga kakilala ko. Ang tagal ko ring nagpahinga ah, isa’t-kalahating taon. Medyo nahihirapan pa ako kasi ang dami nang nagbago sa curriculum nila, pero kinikeri ko pa naman, basta para sa anda, push!

Tapos ay nagpopost ako ng ads sa twitter, minsan sa instagram at facebook, madalas naman ay nakakaligtaan ko rin yun. (sorry po ms. Laddie)

At eto pa, nagbebenta ako ng mga snacks sa mga kaklase ko. Hahahaha. Yung mga tigpipisong chichirya lang naman. Pero medyo in demand ang negosyo ko, kaya nagrerequest na rin sila na magtinda na rin ako ng almusal. Medyo nag-aalinlangan pa ako, kasi kulang na kulang ako sa oras sa paggawa ng mga sandwich keme, pero nagbenta na rin ako ng tinapay ilang beses. Bumenta naman, may kasama nga lang lait hahaha #CompressedBread. Ganon talaga kapag nagnenegosyo, hindi maiiwasan ang reklamo hahaha. Kaso noong nakaraang linggo ay huminto na akong magbenta, dahil…..

Kahit ang dami ko nang side jobs ay naubos pa rin ang aking anda. Ipinapautang ko kasi hahahaha. Kahit alam kong hindi sila yung tipong nagbabayad ng utang, sige gorabels pa rin ako sa pagpapahiram! Ganon talaga kapag nagmamahal, hindi naghihintay ng anumang kapalit. Alam mo naman ako, hinding-hindi ko matanggihan yung mga taong ito: Yung crush ko, si kuya, yung classmate ko, hahahaha. Kahit salbahe tong mga to, basta pag nangailangan sila sige bigay ako agad. #SubmissiveBeLike

Yung picture sa taas, yan yung chat sa akin ni Ate Vky, sermon na rin bale. Nagulat ako sa offer niya, ipush ko na raw yung kemeng business ko, patubuin ko daw yung 500. Eh sabi ko ayoko, kasi baka maibigay ko nanaman yun kay crush hahahahaha. Tanga tanga ko pa naman. 

Gusto ko sana tumagal naman sa akin yung anda, ngayon lang ako nagkaroon ng ganitong oportunidad oh, ang kumita mula sa sideline. So ang problema ko ngayon is paano ko ba tatanggihan yung taong mangungutang sa akin? Hahahahaa este paano ko kaya mapapalago ang 500?

On the good side, proud na rin ako kasi at least may kakayahan pala akong buhayin si crush. Hahahahahaha.

Yay umaga na pala, matutulog pa ba ako? Hahahahaha (iyak!)

Sige hanggang dito na lang muna, kita-kits sa susunod kong Hanash!

– Shy.

On blogging and heartbreak/s

LATELY ko lang napanood yung guesting ni Angelica Panganiban sa GGV. Eto na nga, nakikita ko sa kanya yun sarili ko noon. Noon. Yung natatawa na naiiyak ako, kapag nagkukuwento ako sa best friend ko ng tungkol sa pagkasawi ko. Sa kanya lang ako nagshe-share ng mga ganon, kasi pag sa ibang tao iba ang dating eh. Tulad nga nung ginawa ni A.P., di kami close, kaya ang dating sa’kin eh, ay kawawa naman siya *may pagka-negative*. Pero kung titingnan ko rin yung mga pinaggagagawa ko noon, ganon din pala masasabi ko sa sarili ko – Girl, mag-aapat na taon na mula nung iniwan ka sa ere, ayaw mo pa ring magmove-on? Naka-dalawang crush ka na after niya, gusto mo siya pa rin sa huli? Nagpapakasaya na siya sa buhay niya sa Aklan, tapos ikaw palagi mo pa rin siyang itina-topic sa blog na ito? Matagal ka nang kinalimutan, bakit di ka pa rin makalimot? Ay, kawawa ka naman. Ganern!

Continue reading “On blogging and heartbreak/s”

Diploma

ISANG taon na lang ang bubunuin ko, makaka-graduate na rin ako. Kailangan ko nang magka-diploma, bukod sa kailangan ko para magkatrabaho, ang diplomang yun ang siyang magiging susi upang ako ay makalaya. (Lalim ah)

Once na makatapos na ako, pwede ko nang gawin yung mga bagay na ipinagbabawal sakin ngayon: Ang mag-overnight sa bahay ng kaklase, ang gumala papuntang Maynila o kung saan man sa labas ng Cavite, ang umuwi ng madaling-araw, tsaka ang magka-jowa na rin. (Joke lang po)

Continue reading “Diploma”

theOriginal SAVORY chicken

FOOD with Memories, episode numbah 2

Bago ang lahat ay nagpapasalamat muna ako sa mga nagbahagi ng kanilang kwento (kung ano yung pagkain na memorable sa kanila) nandun po sa comments section ng previous post tingnan nyo na lang hahaha. Kung mapapansin natin, ang sisimple lang ng mga pagkain na yun, pero nagiging espesyal kasi may kakabit na alaala. Ayee.

Continue reading “theOriginal SAVORY chicken”

Chocolate Mousse Shake

– YAN YUNG flavor ng shake na palagi ‘niyang‘ binibili noon:) Dati, halos every month lang ako nakakabili ng mga ganyan, di kasi kasya sa baon ko eh. Nag-iipon pa ako para lang ma-afford yung ganyan, tsaka may tingi-tingi naman na nabibili sa canteen (limang pisong shake yung pinakamaliit). Anyways, dun kami nabili sa stall sa tapat ng eskwelahan (nandun pa rin siya ngayon, pero iba na yata ang nagtitinda.) Tuwing uwian maraming tao diyan, pero keri lang basta makabili. Naalala ko pa yung unang beses na bumili kami niyan:

Continue reading “Chocolate Mousse Shake”

Sleep Deprivation is not a joke

Untitled

ILANG buwan na akong kulang sa tulog. Sabihin nating ang oras ng alis ko sa bahay para pumasok ay alas-sais ng umaga. Tapos ay nakakauwi ako ng alas-otso/alas nuwebe ng gabi. Pagkatapos nun ay toka ko nang bantayan si bibi. So nakadepende sa kanya ang oras ng tulog ko. Kapag gising siya, nako bawal akong matulog. Iba-iba kasi schedule ng antok niya kaya di ko matantsa kung ilang oras lang ang tulog ko. Di rin naman tuluy-tuloy yung tulog niya. Paputol-putol. Minsan dalawa, tatlo, apat na oras. Pinakamahaba na yung lima, kasi alas kuwatro ng madaling araw kailangan ko nang bumangon eh. Minsan nga buong magdamag siya gising, kaya ayun, kawawa si ako. Nung una di ko naman siya pinoproblema. Pero ngayon ay sobrang lala na ng epekto nito sa buhay ko.

Continue reading “Sleep Deprivation is not a joke”

Gender Hanash

SA TUWING napapatingin ako sa salamin, nachachakahan na talaga ako sa sarili ko, lalo na ngayong short hair ako. Naalala ko yung sinabi ng dati kong kaklase noon, “kung magtomboy ka na lang kaya? Mas bagay sayo yun eh.” Wala lang naisip ko lang, kung magtomboy na nga kaya ako? Tutal di naman ako nagjo-jowa, tapos di pa ako pumuporma ng maayos, e di diretsuhin ko na! Haha! Para di na ako mamomroblema araw-araw na hindi ako gumaganda (talaga ba)

Continue reading “Gender Hanash”

Short Hair Hanash

NUNG FRIDAY, pag-uwi ko galing trabaho, pinapunta ako ni Ate Vky sa salon, naisip ko, “Yass pakukulayan ako ng buhok..” Pagdating ko dun, sabi niya, “magpaiksi ka na ng buhok”. Nung oras na yun ay kakatapos pa lang niya magpagupit at magpakulay, at ang ganda nga. Pero sabi ko, “Ayoko po.” Kasi ang goal ko ay magkaroon ng mahabang buhok (kasi sabi ni crush mas maganda daw ako nung 2013 – nung mga panahon na sobrang haba nung buhok ko. So balak ko di muna ako magpapagupit ngayong taon, tsaka para maganda naman ako sa graduation pic ko, hahahaha). Eh kaso di ako makapalag sa tita ko. Kahit nasa legal age na ako eh wala akong magagawa, pag sinabing pagupitan eh di pagupitan. Ayun, nanghinayang ako sa mga buhok ko na unti-unting pinuputol nung parlorista. Wala pa kasing isang taon mula nang ipina-rebond at ipinakulayan yun, at inaalagaan ko yun kaya straight na straight pa rin yun huhuhu.

Continue reading “Short Hair Hanash”

Mahirap.

MAHIRAP mag-alaga ng bata.

Siyam na buwan na nasa iyong sinapupunan, tapos ay hindi ka na nakakatulog gabi-gabi dahil sa pagbabantay sa bata. Kailangan mong habaan ang pasensya mo dahil sa kakulitan ng iyong anak.

Mahirap mag-alaga ng bata lalo na’t ika’y walang katuwang.

Yung ikaw na ang nag-aalaga, pero ikaw pa rin ang nagtatrabaho at gunagawa ng paraan para lang ma-provide mo ang mga pangangailangan ng iyong anak. Nanay and Tatay at the same time.

Mahirap mag-alaga ng bata, lalo na’t hindi mo naman anak.

Hindi mo napagtutuunan gaano ng atensyon ang sarili mong anak, dahil kinailangan mong mag-alaga ng anak ng iba, well para rin naman sa kinabukasan ng iyong anak.

Mahirap mag-alaga ng bata lalo na’t hindi mo kalahi.

Bukod sa kailangan mong mag-adjust sa kultura nila, mahirap mamuhay ng malayo ka sa iyong mga anak. Hindi mo man lang nasusubaybayan ang kanilang paglaki.

There are a lot of sacrifices a mother makes when she’s raising a child.

To all mothers, especially single moms, yayas, and domestic babysitters, Happy Mother’s Day!

Kutis Artista na ba?

– SEQUEL post ng Kutis-Artista Feels.

So napapanood ninyo siguro sa TV yung latest commercial ng Maxi-Peel, si Jeff at ang kanyang #TunaySerye. Actually sa facebook page nila makikita yung kabuuan nun. Sinusubaybayan ko siya, hahaha. Bago pa man nagkaroon ng ganitong pakulo ang Maxi-Peel, ginawa ko na yan noon! Oo! (Basahin muna kasi yung Kutis-Artista Feels). Pero live tweets ang peg ko nun, ayoko mag video blog kasi ang chaka ko eh. Hahahaha tsaka baka may sumubaybay di ba, wala naman.

Continue reading “Kutis Artista na ba?”

Hanap-hanap

🎤 Pinilit kong lumayo,
ngunit pilitin ma’y bumabalik sa’yo.

SA TUWING natutulog ako sa tamang oras (mga 10 or 11 pm), napapanaginipan ko siya. Oo. Ang weird nu. Ang setting eh nasa INHS ako (paaralan ko nung high school), maraming estudyante. Tapos ay hinahanap ko siya, inaasahan kong makikita ko siya dun, kahit sa totoong buhay eh nasa malayo na siya. Pumunta ako sa may Saqui Bldg., baka sakali nakasilip siya mula sa classroom niya (Alam mo yung eksenang parang sa Romeo and Juliet, yung isa nakasilip sa bintana tapos yung isa nasa baba lang, naghihintay. ganun ang eksena namin noon, baligtad nga lang kasi siya yung nasa itaas tapos ako yung naghihintay sa baba), kaso wala siya. Pumunta ako ng canteen, ng kabilang building, wala pa rin. Hanggang sa napadpad ako sa may quadrangle, sa tapat ng SSG office, tapos nandun siya, formal ang suot niya. Tinawag ko siya, di niya ako nililingon, e di nilapitan ko na lang. Nginitian ko siya, nginitian niya ako. Lalandiin este kakausapin ko na sana siya, tapos biglang napuputol na yung panaginip ko. saklap haha.

Continue reading “Hanap-hanap”

Olfaction

WE all had this experience wherein we perceived a smell, and suddenly remembered an event that we’d forgotten for years. We also have a certain perfume/cologne smell that reminds us of a person we know. It is truly evident that the smell of something triggers emotional memories.

Untitled

Continue reading “Olfaction”

Sana’y di na magising, kung nangangarap man din.

UMATTEND ako last friday nung Graduation ceremonies ni Anye. Wag na tanungin kung bakit ako ang umakyat ng entablado kasama niya sa pagkuha ng diploma xx

Share ko lang to: kasi yung salutatorian nung batch nila, hakot awardee! As in super dami niyang medal, mas marami pa sa bilang ng daliri ko sa kamay😀. Nung tinawag na yung pangalan niya sa stage at isinabit ang mga medalyang iyon, palakpakan ng bongga ang mga tao! Ang galing galing niya kasi, bukod sa umeexcel siya academically eh lagi siyang first place sa mga district competition – sa Journalism, at bukod pa dun ay inilalaban din siya sa sports (swimming yata yun). Amazebols ako pero at the same time naiinggit. Nanaman hahahahaha

Continue reading “Sana’y di na magising, kung nangangarap man din.”

Same Old Hanash

IBINALITA sa akin ni Ate Vky na uuwi na siya ng Pilipinas sa Mayo. Sa Mayo. Buti naman, makakasama na namin siya ulit dito:) kaso, kaso, isa lang ibig sabihin nun, wala na siyang trabaho. Wala nanaman kaming pera. At malaki ang tsansang hihinto NANAMAN ako sa pag-aaral.

Continue reading “Same Old Hanash”

Ang sakit pa rin ha.

NUNG last week, na-paranoid ako. Kasi naman, nun sinearch ko yung profile ni JD sa facebook, di ko na makita. Aba, baka ni-block ako nung mokong na yun. Nakakainis. Minsan ko na nga lang siyang i-stalk eh. Tapos ganun pa!? Ang daming pumasok sa isip ko: -baka nalaman niya na hanggang ngayon eh tinitingnan ko pa rin yung account niya, -or baka may iba nang gumagamit ng account niya (baka jowa) tapos pinagba-block yung mga kahina-hinalang babae, including me (paranoid gf’s be like). Pero nakakainis eh. Mag-aapat na taon na kaming hindi nag-uusap oh. Yung pagtingin na nga lang sa profile niya yung tanging paraan para magkaroon ako ng update sa buhay niya. Kung ano nang ganap niya. Kaso wala eh, mukhang ni-block pa ako. Pero naisip ko din, bakit ngayon lang? Lol.
Continue reading “Ang sakit pa rin ha.”

Naninibugho

TAPOS NA ANG TERM! dahil dyan, brace yourselves for another series of rants x hate x realization posts mula sakin bwahahaha 😈 ang dami ko ring naipong drafts, eto na ang tamang panahon para maghasik ng lagim😀 last two weeks kasi ay napalaban ako sa sandamakmak na stress sa school at sa bahay (na ikukuwento ko rin naman later). So let’s start with ‘naninibugho’. Kasi nagpupuyos ang kalooban ko at nagkanda-durug-durog ang puso ko netong mga nakaraang araw. Here’s how:
Continue reading “Naninibugho”